MonthlyPeriod!

mula sa SmallRoom Publication landlord: denster

Monday, July 04, 2005

And What-Not

Alpha

Pagkagising, pagkatapos magkape at magyosi, pagkatapos magbasa ng diyaryo, pagkasipilyo, pagkaligo, pagkabihis, kailangang handa na naman sa paglalakbay papasok sa opisina. Hinanda ang mp3 player, bumili ng yosi, nagbulsa ng Halls candy at nag-umpisa ng maglakad.

Sa kalsada, makikilala mo na ang mga lubak, mga dumi ng aso at mga maputik na bahagi na dapat mong iwasan. Makikita mo palagi ang mga tambay sa kanto, ang mga nagdidilig ng kalsada, ang mga nagwawalis ng halamanan, ang mga nagpapasyal sa kanilang aso, at ang mga nakatigil na bangaw sa hangin. Maririnig mo ang sigaw ng taho, puto at bibingka, ang tsismisan tungkol sa nagdaang araw, ang kahol ng mga aso, ang tilaok ng mga manok at ang hanging pilit dumadampi at lumalaban sa init ng sikat ng araw. Madadama mo na ang pagod, ang hirap, ang layo, papasok ka pa lang. Maglabas ka na ng Halls candy.

Paglabas ng eskinita na naglalaman ng graffiti tungkol sa kalinisan na natatakpan lamang ng mga natapong basura kagabi, alam mo na ang kasunod. Giyera na. Panibagong pakikibaka makarating lamang sa opisina. Ang mga ingay ng sasakyan, mga usok ng kanilang tambutso, ang mga sigaw ng tagatawag sa pasahero, iyan ang almusal mo papasok. Tapos, yosi ang appetizer mo.

Habang binabaybay ng jeep ang kalsada, makikita mo ang mga estudyanteng late na sa kanilang klase katulad mo. Andoon din ang mga tinanghali mamili sa palengke. Ang mga namamalimos na itinulog na lang ang gutom. Ang mga traffic enforcer na walang alam sa daloy ng trapiko. Ang mga tindahan ng kung anu-anong bagay at pagkain na hindi pa nauubos. Pagbaba mo ng jeep, lakad ulit, habang nagsisindi ng panibagong yosi.

LRT. Siksikan, mainit at matagal. Kasama mo dito ang mga katulad mong pilit hinahabol ang oras. Nandito ang mga hindi pa naligo at nag-almusal. Ang mga puyat. Ang mga maiingay. At ang mga tahimik at nagdarasal na sana'y makarating sa kanyang pupuntahan. Lahat nandito na. Hindi ka nga lang pwedeng magyosi. Buti at may baterya pa ang mp3 player. Gagawin ka nitong bingi sa lahat ng mga ingay na pinagsawaan mo na ding mapakinggan. Bagama't minsan, ninanais mo din itong hinaan o patayin at baka may bago na sa mundo ng tren ng buhay mo.

Habang bumababa sa tren, naglabas ka na ng panibagong Halls candy. At pagbaba sa huling bahagdan, isa na namang yosi. Yosi na kasama mo sa paglalakad at pag-aantay ng bagong masasakyan. Malayong lakaran, kasama ang mga taong nakasakay mo sa LRT kanina lang. Takbuhan, unahan, pag may jeep na daraan. Minsan, hindi sapat ang isang yosi sa paghihintay. Kailangan mo pa magsindi ng panibago bago matupad ang hiling mo na isang jeep o fx na wala pang pasahero, kasama ang dasal na sana ay umabot ka pa sa grace period.

Pagbaba sa malapit sa opisina, magsindi pa ng isang yosi. Maglalakad habang nagyoyosi at kumakanta. Palinga-linga at baka may makita na kakilala o kaibigang bihira mo ng masilayan. Maghintay mag-red ang traffic light. Tapos tawid patakbo. Magpi-pin ng ID. Papatayin ang mp3 player at lilipadin ang bundy clock. Yes. Hindi ako late. Masaya kang papasok sa iyong tanggapan at bubuksan ang computer kasabay ng pagkain ng in-order na egg sandwich.

Hay, kay tagal mag 5:30 para makapaglakbay muli. Makapagyosi nga muna.

Omega

Minsan, habang naglalakbay makikita mo ang mga taong dati mo nang nakikita. Kung paanong ganoon pa din ang kanilang ginagawa. Kung paanong ang kilos nila ay nakabisado mo na. Makikita mo din ang mga bagong mukha. Kung paanong punung-puno sila ng pag-asa sa bagong lugar na kanilang napili. At kung paanong malungkot at bigo pa din nila ito lilisanin. Minsan, nakakapagod na silang tignan. Nakakapagod na makilala mo sila sa iyong sariling paraan at bigla na lang silang mawawala isang araw. At makakakita ka na naman ng mga bagong mukha na alam mong ikakapagod mo na naman na kilalanin.

Ano ba ang tingin nila sa lugar na ito na kanilang kinapadpadan? Isang pag-asa? Sabagay, nang muli kong tignan ang lugar na aking kinalakihan, madami na nga ang nagbago. Suwerte sila at ang mga pagbabago na ang kanilang nadatnan. Hindi na nila nakita ang mga matatandang tambay na harapang nagbubugahan ng marijuana sa daan. Ang mga gabing pinapatay ang ilaw sa poste para makapag-session ng bato sa saliw ng tugtuging "happy birthday". Ang mga riot. Ang mga eskandalosong away mag-asawa. Ngayon, makikita na nila ang mga bata pa lang ay marunong nang gumawa ng pipa para sa marijuana. Ang mga posteng lantaran ng nakabukas para sa mga nagbebenta ng bato. Ang mga barilan. Ang mga saklaan kahit walang patay. Marami na ang nagbago. Iyon naman eh ayon lang sa opinyon ko.

Marami nang lugar ang nagsara. Napalitan na ng mga bago na pilit nagpapakagarbo malampasan lamang ang naibahagi ng lugar na dating nakatayo dito. Kung maglalakad ako sa aming lugar, at ipipikit ko ang aking mga mata, wala na sigurong flashback ng mga lumang alaala. Hindi ko na ito makikita pa. Makikita mo pa ba ang mga vandalism na minsan mong sinulat sa pader nung ika'y sumali sa isang fraternity gayong ito'y pininturahan na at tinayuan na ng isang computer rental shop? Makikita mo pa ba ang puno ng kamyas na inyong pinagtatambayan ngayong ito'y pinutol na at isa nang basketball court? Makikita mo pa ba ang barberya na nung minsang magpagupit kayong magkakabarkada eh halos pare-pareho ang naging gupit niyo kahit iba-iba ang hiniling niyong gupit gayong ito'y natayuan na ng McDonalds? Makikita mo pa ba ang parke na tagpuan niyo ng iyong sinta gayong ito'y pinamugaran na ng iba't ibang food outlet? Swerte ang mga bagong dating at hindi na nila mararanasan ang pagkaulilang nadama ko para sa mga lumang alaala sa lugar na ito. Sana nga lang eh bagong pag-asa ang ipinunta nila dito at hindi ang dahilang gusto lang nilang manggulo dahil hindi nila ito magawa sa dating lugar na tinigilan nila. Hindi namin kailangan ng manggugulo. Marami kami dito niyan.

Minsan, nakakatuwa na sa isang kuwentuhang barkada, mag-uunahan kayong magbigay ng pinakamatinding panlalait sa inyong lugar. Pero kapag ibang tao ang nanlait dito, eh handa ninyo itong ipagtanggol hanggang patayan. Hindi ko pa nagawang malait ang lugar na aking kinalakihan. Palaging may nauuna sa akin. Hindi man ganoon kaaya-ayang tignan, maipagmamalaki kong hindi ako nagpatangay sa lugar. Sa lugar na bagama't mahirap pakisamahan noong una, eh nagpumilit pa ding makibagay sa akin. At madami ding tulad ko na dati'y walang pag-asa eh nakikita ko ng nakangiti sa lugar na amin ng natutunang mahalin. Malayo man ito sa ideal neighbor na inyong pinapangarap, hindi naman siya peke. Natural ang kilos ng bawat isa. Lahat, pinapakita lang kung ano at sino talaga siya. Hindi man siya kaaya-ayang lakbayin para sa iba, handa ko itong ikutin maghapon basta may Halls candy at yosi.

Hay, kay tagal mag 5:30 para makapaglakbay muli. Makapagyosi nga ulit.
(p.s. - kuha ang title sa nag-commentary kanina sa credo. Paulit-ulit niya itong binabanggit kapalit ng more famous at classic na "etcetera")

0 Comments:

Post a Comment

<< Home