MonthlyPeriod!

mula sa SmallRoom Publication landlord: denster

Monday, June 27, 2005

What Road Are We On Now?

Ang mundo ng pag-ibig ay sadyang makulay at misteryoso. Bibihira ang nagkakapareho ng daang tinahak para marating ang pagkakakilala ng isang tao sa kanyang sariling kahulugan ng pag-ibig. Hindi naman lahat ng pag-ibig ay tagumpay. Hindi din lahat ng pag-ibig ay masaya. At may pag-ibig din na hindi na kailanman natuklasan o nasabi. Pero hindi maikakaila, na nakakakilig umibig at ibigin.

May pag-ibig na tinatago at handa lamang isiwalat kung nasiguro na niyang may pag-asa siyang mahalin ng kanyang tinatangi. Titiisin lahat ang sakit ng paghihintay at pagkukunwari huwag ka lamang masaktan. Maghihintay hangga't hindi na dumating ang inaasam na panahon. At saka mo sasabihin sa kanyang minahal mo siya gayong huli na ang lahat. Torpe. Duwag. Walang tiwala sa sarili. Madami ang ganyan. Ayaw masaktan ng pag-ibig. Ayaw makasira ng pagkakaibigan. Ayaw makipagsapalaran. Pero, 'yung iba nagtatagumpay diyan. May iba, na ayaw ng ganyan. Iba-iba talaga ang tao eh. May pag-ibig na handang ipaglaban pa ng patayan. May pag-ibig na sinisigaw sa buong mundo. May pag-ibig na tinatago. May pag-ibig na bawal. May pag-ibig na nagtatapos bago man lamang ito nagsimula. May pag-ibig na hindi pinaramdam at kinipkip na lamang sa puso. May pag-ibig na maipagmamalaki gaano man ito kaliit. May pag-ibig na bigla na lang susulpot. May pag-ibig na bigla ka na lang gigising at alam mong inlove ka na sa saliw ng musikang nagpapatibok sa puso mo ng mabilis. Iba-ibang pag-ibig. Iba-ibang landas na tinahak. Landas na isa lang naman ang nais marating - ang tunay at wagas na pag-ibig.

Si lalaki at babae ay nagkakilala nung Grade 3. Nagsimulang mag-duet sa kantang "Always" ng Atlantic Starr at masasabi nating naging malapit sa isa't isa. Minsan nung Grade 4 (o 5), habang magkatabi sila sa isang desk, hinawakan ni lalaki ang kamay ni babae. Nagulat siyang hindi ito tumanggi. Sa ilalim ng desk na iyon, walang naging saksi sa madiin nilang pisilan ng kamay maliban sa kanilang dalawa. Nagpalitan sila ng Valentine's card taun-taon. Pero maniniwala ka bang ang pagtitinginang iyon ay hindi nauwi sa pagiging magkasintahan? Ang pinakamalapit nilang narating ay ang pagiging valedictorian at salutatorian ng klase. Sila ay nagkita nung college na sila pareho. Nag-usap, pero hanggang doon lang. Minsan, andoon na lahat 'yung signs pero hanggang doon lang talaga. Hanggang signs. Bakit kaya? Kulang ba ang magic ng pag-ibig? Sila ngayon ay kapwa may asawa't anak na. Minsan, naiisip mo pa ba na ano kaya ang nangyari kung nagpunta siya sa simbahan noong araw na kayo'y nag-usap magkita habang umuulan? Iba kaya ang nangyari?

Sa isang classroom ng Grade Six section 5, nautusan si Grade Six section 1 na lalaki na pumunta dahil pinapatawag daw siya ng adviser ng section 5. Pagdating niya doon, walang ibang tao maliban sa isang estudyanteng babae ng klase na iyon. Sila'y nagkakilala ng lubusan. Alam ni lalaking set-up ang lahat para sa kanilang dalawa ng kanilang mga kaibigan. Na hindi niya naman pinagsisihan o kinainis man lang. At naisulat na nila ang pangalan ng isa't isa sa "Who is you love?" question sa bawat slum book na pinasagutan sa kanila. At si babae ang unang naging kasintahan ni lalaki. Pero panandalian lang. Pag-graduate nila at dahil nagkahiwalay ng iskwelang pinasukan, nagkahiwalay din sila ng landas. Nagkita sila nung 4th year hayskul na si lalaki at kasalukuyang tumigil sa pag-aaral si babae. Nagbabayad si lalaki kay babae ng t-shirt na kanyang binili sa isang mall dahil si babae ang kahera nung oras na iyon. Andoon pa din ang love. Nagkita din sila nung college na si lalaki at hinihintay ang kanyang liniligawan noon sa simbahan. Kasama ni babae ang buo niyang pamilya. Bago umalis si babae ay nag-iwan pa ng salitang, "darating din 'yon." Andoon pa din ang love. Minsang nawika ni lalaki na first love never dies talaga. Pero ngayong hindi na sila nagkikita pa muli, at si lalaki'y may pamilya na, masasabi niya pa kayang "first love never dies" sa muli nilang pagkikita? Andoon pa din kaya 'yung love?

Si lalaki ay hindi guwapo pero maipagmamalaki naman niyang may mga nagka-crush din naman sa kanya ng hindi sinasadya. May isa na nagsabing crush niya si lalaki nung graduation day at alam niyang hindi na sila magkikita muli kaya sinabi niya na din ang hidden feelings niya para dito. 'Yung isa, tingin ng tingin habang nagkaklase at ang akala ng katabi nung lalaki ay siya ang tinitignan. Nalaman na lang ni lalaki na siya ang tinitignan ng lumapit ito at nagpakilala sa kanya. Ang isa ay nagbigay sa kanya ng poster ng crush niya noong si Carmina Villaruel at may nakasulat sa likod na, "alam mo ang lakas ng SEX A-FEEL mo". Ang isa ay pinilit makilala ang The Beatles dahil paborito ni lalaki ang banda na ito. Minsan niyang naitanong kay lalaki na, "Sino ba yung beatles, mga maliliit na tao na kumakanta?" Yung isa ay nagbigay ng mga makabagbag damdaming sulat na siya ay nalulungkot dahil nalaman niyang ang kabarkada pala niya ang type ng lalaki. Pero nag-wish pa din siya ng goodluck sa kanila. 'Yung isa ay titser. 'Yung isa tinanong si lalaki kung may phone number ba ito sa bahay at kung saan siya nakatira at kung pede niya itong puntahan. 'Yung isa ay narinig niya sa isang kabarkada na nanukso ng, "uy, may nagkaka-crush sa iyo, ayun oh." Pero ganoon ang pag-ibig para sa lalaking iyon na kung wala kang nadarama para sa isang taong may pagtingin sa'yo, hindi mo dapat samantalahin ang pagkakataon. Kapag walang magic, walang love. Walang dapat saktan at masaktan. Pero, ano kaya nangyari kung isa sa kanila ay sinubok mong mahalin?

Si babae ay biglang pinagtapatan ni lalaki ng kanyang pag-ibig isang araw habang nagse-celebrate sila ng 50th foundation day. Sinabi ni babae sa lalaki na, "sorry pero ayaw ko pang magka-boyfriend ngayon eh." Basted si lalaki sa madaling salita. Noong sumunod na linggo, pinakilala ni babae ang kanyang boyfriend sa lalaki at sa kanilang barkada. Ganda no? Minsan, ganyan kalupit ang pag-ibig.

Si babae ay titser, si lalaki ay estudyante niya. Nag-umpisang maging close sa pagdesign ng classroom every start of the month. Andiyan ang paglalagay ni titser ng panyo sa likod ng lalaki dahil masyado itong pawisin, paggupit nito ng kuko na pilit ni lalaking pinapahaba, ang pagpuna niya sa long hair nito, at marami pang masasayang araw na... ganoon na nga, masasaya. Minsan isang araw, ginising si lalaki ng kanyang mga bisitang kaibigan na isasama siya sa isang okasyon... sa kasal ni titser. Ouch.

Si babae ay minsang umamin na crush niya si lalaki sa isang truth or consequence. Si lalaki ay minsang umamin na crush niya din si babae sa isa pang truth or consequence. Hindi sinasadya, natuklasan nila ito mula sa common friends. Maraming nangyari pagkatapos noon. Mga masasakit at masasayang pangyayari na parang sa pelikula mo lang mapapanood. Maraming pangyayaring nagbigay daan para maging malapit pa lalo sila sa isa't isa. At doon nagsimula ang pagiging mag-MU nila. Marami uling nangyari pagkatapos noon. Mga masasakit at masasayang pangyayari na parang sa pelikula mo lang ulit mapapanood. Maraming pangyayaring nagbigay daan para biglang-bigla eh maging malayo sila sa isa't isa. Biglaan. At doon nagsimula ang pag-iiwasan nila. Pag-iiwasang parang hindi man lang sila naging magkaibigan. 'Yung pagiging MU nila ay nalaman na nga lang pala ni lalaki nung minsang tawagan niya si babae dahil kailangan nito ng makakausap dahil kakahiwalay niya lang sa first boyfriend niya. Iyak ng iyak si babae sa phone. Pilit naman siyang pinapakalma ni lalaki. Mga pangyayaring alam niyo na kung saan niyo lang nakikita. Pero hindi naman nadugtungan ang dating pagiging mag-MU nila. Pero atleast, nabuhay ulit ang pagiging magkaibigan nila. Pag-ibig na sadyang ginawang komplikado ng mga pangyayaring, oo, pangyayaring parang sa pelikula mo lang makikita, pero di tulad ng karamihang pelikula, hindi nagkatuluyan si lalaki at babae dito. Paano kung ang "and they live happily ever after" ay nangyari?

Maraming lalaki ang nabighani sa kanyang angking katalinuhan at kagandahan. Nariyang magbilangan pa ang mga ito ng pogi points na makukuha mula sa kanya. Pero iba ang lalaking ito. Umibig siya nang palihim. At nang magtatapos na ang klase, inamin niya sa kaibigang babae na siya din mismo ay nabighani bagama't mas nanaig ang paghawak niya sa kanilang pagkakaibigan. Labis itong kina-flatter ng babae at proud siya na ang lalaking ito ay hindi nag-take advantage sa kanilang pagkakaibigan. Ngayon, bagama't hindi na sila madalas magkita, andoon pa din ang pagmamahal sa isa't isa bilang magkaibigan. Isang uri ng pag-ibig na hanggang doon lang, sa pagiging magkaibigan. Paano kung ang pagmamahal mo na intensity level 4 lang ay naging intensity level 8 na? Kikimkimin mo pa din ba?

Si babae ay crush na ni lalaki sa unang pagkakataon na nagkita sila. Pero hindi niya ito magawang sabihin. Hanggang dumating ang pagkakataong sinagot ni babae ang isa sa kaibigan ni lalaki na matiyagang nanligaw sa kanya. Dumating ang panahon na nagwakas ang pag-iibigang ito. Sa isang pagpupulong ng grupo, naamin ni lalaki sa babae na crush niya ito noon pa. At sayang, dahil si babae ay may tinatangi din palang pagtingin kay lalaki. Bakit daw hindi ito sumabay sa kanyang kaibigan noon. Sa panahong hindi pa handang umibig muli si babae, si lalaki ay nanatili tulad ng dati. Kinubli na lamang ang pag-ibig niyang tinatangi kay babae. Hanggang magkahiwalay na sila ng landas. Sa friendster na lamang nalaman ni lalaki na nag-asawa na si babae. Sana ba ay niligawan mo na siya bago pa siya naging Miss Mexico at Miss U.N. sa school?

Si babae ay nasa malayong lugar. Pero nagkaibigan sila ng lalaki dahil sa text messaging lamang. Sabay na silang nangarap na ang pinanghahawakan lamang ay ang mga litrato nila sa isa't isa. Alam ni MyLady na someday, dadating ang MyPrince niya sa harap niya, kasama ang kanilang mga binuong pangarap. Pero, hindi ganoon ang nangyari. Ang layo ng kanilang pag-iibigan ay naging hadlang sa naglalapit nilang puso. Paano kung biglang lumuwas si babae sa Maynila at nagkita kayo?

Si babae ay nakilala ni lalaki sa panahong may mahal pa itong iba. Ngunit hindi nagtagal ay nabighani na din ang babae kay lalaki. Nariyang matawag niya ang kanyang mahal sa pangalan nito. Nariyang mas ma-miss niya si lalaki kaysa sa kasintahan kada darating ang sembreak. At nariyang mas maipakita pa nito ang pagmamahal sa lalaki ng higit pa sa kaya niyang ipakita sa kanyang kasintahan. Matapos ang tatlo't kalahating taon na pagiging matalik na magkaibigan, naghiwalay si babe at ang kanyang kasintahan. Dito, naipahayag na nila sa isa't isa ang pag-ibig na itinagong pansamantala para manatiling tama sa lahat ng nakamasid. Naging sila, ngunit sa loob ng tatlo't kalahating taon din lamang. Naramdaman na lang kasi ng babae na naglaho na ang pag-ibig sa kanyang part. Si lalaki, dahil sa pag-aakalang hindi na sila kailanman magwawalay, naging kumpiyansa na wala man siya sa tabi ni babae eh mamahalin pa din siya nito gaya ng dati dahil iyon ang nadarama niya dito. Pero sa dami ng hadlang para sa mga miminsan nilang pagkikita, dumating na sa point si babae na hindi niya na talaga makita ang pag-ibig ni lalaki. Mahal na mahal ni lalaki si babae pero wala siyang magagawa. Nagkulang siya sa maraming bagay. At kailangan pang mawala ang babaeng mahal niya para malaman niya ito. Kahit hiwalay na eh sila pa din naman ang magkatuwang sa maraming bagay. Sila pa din ang magkasama sa mga lakaran at sa mga kuwentuhan. Si lalaki, umaasang sa ginagawa niyang ito ay muling manunumbalik ang dating pagmamahal ni babae. Pero iba ang pananaw ni babae. Alam niyang kahit hindi na sila magkasintahan, alam niyang mahal siya ni lalaki at handa itong maging karamay niya kahit ganoon na lamang ang sitwasyon nila, magkaibigan. So, nakalimutan ni babaeng subukan muling ibigin si lalaki. Hanggang dumating ang panahong, napagod si lalaki. Nang ibalita niya kay babae na may bago na siyang kasintahan, doon napagtanto ni babae na hindi habang buhay eh maghihintay sa kanya ang lalaking ito. At nadama ang panghihinayang. Ng isa't isa. Noon. Malamang, hindi na ngayon. O, hindi na nga ba?

Napakaraming landas na tinahak, pero pare-pareho lang naman ang nais marating - ang tunay at wagas na pag-ibig. Ang mga musika ng pag-ibig ay dumaan lamang at mapalad tayong ating narinig bago pa ito tuluyang mawala, matapos at malaos. Ang mga pagsasama, sa hirap at ginhawa, sa tampuhan at asaran, sa sintunadong awitin at corny jokes. Laging pasulong, humaharap sa panibagong hadlang at karunungan na magkasama. Paikot-ikot-ikot. Minsan kung pasulong ka sa buhay ang akala ng iba ay may iniiwasan ka. Hindi ba puwedeng tayo ay sumulong papunta sa isang bagay na sabay?

Minsan mo bang inisip na lumihis at umiwas sa landas na tinahak ng iyong nakaraan? O nanatili ka pa din ba sa daang inyong tinahak kahit hindi na kaaya-ayang tignan ang daan? Andoon ka pa din ba sa lugar na dati ninyong tinigilan ng sabay, kahit hindi na ito kasing ganda ng dati? Para ka bang naglalakbay na ibon na pinupuntahan pa din ang mga lugar na dati nilang pinag-inuman kahit ito ay natayuan na ng malaking gusali? Mas naging importante ba sa'yo ang mga bagay na nagdaan kaysa sa mga bagay na haharapin mo pa lang? Minsan ba ay ayaw mo ng makakilala ng bago? Minsan ba naisip mo na ipagpalit ang lahat-lahat ng nangyari at nang alaala para sa isang hinaharap na si babae o si lalaki muli ang iyong makasasama para malaman mo kung paano ang ending ng pag-ibig mo kung sabay ninyong tinahak ang misteryosong landas ng pag-ibig?

Kampay. 30.

2 Comments:

Anonymous Anonymous ay nagwika na...

mahaba pero worth reading... :) lagi nman, basta gawa ni landlord... hehe... :)

2:42 AM, June 27, 2005  
Anonymous Anonymous ay nagwika na...

ok ha...iba talaga ang pakiramdam kapag nakakabasa ako ng ganito..worth reading.

8:08 PM, June 28, 2005  

Post a Comment

<< Home