Naguumpisa ang araw ko sa paghitit ng isang yosi at pagcheck ng e-mail ng mga branches na may problema at ng mga forwarded mails na pwedeng padala sa'king mga kaopisina. Dito ako kukuha ng inspirasyon para sipaging magprogram hanggang umayaw na at maghang ang PC ko. Sa saliw ng rock song at ng kinakain kong macaroni o nilupak, magsasanib ang lahat ng powers sa'king katawan para umpisahang tipahin ang keyboard at mag-isip ng solusyon sa aking mga problema.
Bawat problema ay ina-arrange ko mula sa kaya kong gawin kahit nakapikit hanggang sa problemang kailangan nang gamitan ng magic ni David Blaine. Kung suwerte ka at wala kang problema, maraming mapaglilibangan diyan. Mga enhancements, mga bagong module na dapat tapusin, testing, paggawa ng memo, pag-rollout ng bagong version ng sistema, paggawa ng manual, at pagkain ng noodles. Tawag din sa mga ito ay iba pang mga problema. Nakaugalian ko na huwag umuwi hangga't hindi natatapos ang lahat ng dapat tapusin at hindi nauubos ang lahat ng problema maliban na lang kung hindi ko na talaga kaya o kung may laro ang Ginebra. Kahit TY lang, basta para sa bayan. Basta na-set ko na ang mind ko na kaya ko lahat itong tapusin hanggang deadline, sigurado akong maaga ako papasok sa araw ng deadline para magkatotoo lang ang sinabi ko. Kung kasing deboto mo ako sa pagkahilig sa programming, masaya mong matatapos ang lahat ng bagay na nabanggit ko ng mas maaga at may panahon pa para magyosi pa ulit ng isa.
Ngunit tila mapaglaro ang tadhana dahil habang abala at excited ako sa pagpo-program, diyan maguumpisang magtawagan ang mga user ng sistema ko para magtanong, humingi ng tulong, magkuwento ng love life at maghanap ng masisisi sa kamalian niyang nagawa. Maipagmamalaki ko naman na wala ako ni isang user na nakaaway o nakasagutan dahil likas na mahaba ang aking pasensiya. Dito mo kasi matututunan ang mga bagay na akala mo ay sa Abante mo lang mababasa.
May mga user pala na tatawag pa rin sa'yo para magpaturo kahit na pinadalhan mo na sila ng instructions sa kanilang gagawin, mas gugustuhin din nilang magrestore ng backup kaysa gumawa ng memo na papipirmahan sa boss nila, maya't maya ay nakakaimbento ng bagong problema, hindi agad tatawag hangga't hindi pa lagpas sampu ang problema nila, at laging kailangang-kailangan na nila ang pinagagawa nila at pipilitin kang matapos ito agad kahit alam mong mas uunahin niya pa ring umuwi at manood ng telenovela kaysa hintayin kang maipadala ang natapos mong solusyon. Ito ang mga user na pipilitin talagang ubusin ang pasensiya ko. Pero gaya ng nasabi ko, hindi nila ko mapipilit na magwala sa opisina. May mga user din naman na abot singit ang tuwa kapag nasolusyunan mo na ang kanilang problema. Ang iba nga'y nagpapadala pa ng mga delicacies nila o di kaya ay pizza. Meron ding mga user na alam ang kanilang ginagawa kahit nanonood pa sila ng It Might Be You. Nariyan din ang user na handing maghintay at magtiyaga kasama mo basta matapos lang ang lahat ng kailangang gawin. Kahit ma-miss nila ang episode ng Mulawin. Iyan naman ang mga masarap maging user. Sa pakikipagusap sa mga user, nariyang mapagusapan niyo ang hirap at sarap ng kanya-kanyang trabaho, mga dapat baguhin sa sistema, mga na-miss niyong episode ng Marina, at maging mga personal na impormasyon. Dapat matuto ang bawat programmer na igalang at unawain ang mga user kahit hindi nito maintindihan ang gusto ng programmer na mangyari. Nandiyan nga tayong mga programmer para mapagtanungan nila sa mga bagay na nalilito sila o sadyang hindi nila alam o gusto pa nilang malaman. Minsan, humihingi na lang talaga sila ng tulong sa takot na baka magkamali sila sa gagawin nila. Bagay na alam kong ginagawa din natin pag hindi din tayo sigurado sa gagawin natin. Kung kasing tindi ng pang-unawa ko ang pang-unawa mo, yakang-yaka mo pa rin ngumiti kahit tatlong oras na kayong nagtuturuan sa telepono at hindi niya pa din matandaan ang kaibahan ng slash at backslash.
Sa bawat pagsubok na napagdaanan ko bilang programmer, akala ko ay alam ko na ang pasikot-sikot ng lahat. Maling akala pala. Isang kasama ko pala sa opisina ang magpapaalala sa akin na marami pa akong bigas na dapat kainin. Na ang tanga-tanga ko pa pala. Na ang hindi ko kayang pangaalipusta ng tao ay magagawa pala sa'kin ng isang kakilala. Na ang pisi ko pala ay pede ding mapatid.
Kahapon, masayang-masaya akong binuksan ang payslip ko. Dalawang taon na kasi akong regular at expected ko na may 1,000pesos na akong longevity earning. Ngunit ang ngiti sa aking mukha ay agad ding nalaglag sa sahig ng makita ko na ito ay 272.73 lamang. Dahil curious ako at marahil ay masyadong nag-expect sa 1,000pesos na iyon, napatawag agad ako sa admin para magtanong. Bagama't maaaring hindi ganito ang aktuwal na usapan namin, ganito ang aktuwal na usapan namin:
Ako: "Ma'am, bakit po 272.73 lang ang longevity ko?"
Ma'am: "Eh, magkano ba ang gusto mong longevity?" (ang ibang tao ay mapipikon na
sa ganitong kasagutan)
Ako: "Akala ko po kasi eh 1,000pesos agad ang makukuha ko dahil 2years na'kong
regular."
Ma'am: "Eh kelan ba ang exact date na naregular ka?"
Ako: "September 25 po nung 2002."
Ma'am: "Isa, dalawa, tatlo, apat lima, anim. Tama! Di ka ba marunong magbilang? 1000 divided by 22 days times 6 days equals 272.73. May tanong ka pa ba?" (Ang kanyang binilang ay ang mga petsang 25-30 since naregular ako ng 25 at ang payslip pay period ay September 15-30. Ang sarap sa tenga ko ng mga katagang "Di ka ba marunong magbilang?" at "May tanong ka pa ba?")
Ako: "Ah, kaya pala. Pro-rated din po pala ang longevity."
Ma'am: "Oo, pro-rated iyan. Sa October mo pa makukuha iyong buong 1,000pesos. Ok?"
Ako: "Ok Ma'am, akala ko po kasi eh once nag 2years ka na eh automatic ibibigay sa'yo ang 1,000pesos." (Dito ay naunawaaan ko na ang lahat at napawi na ang pagkainis ko. Pero…)
Ma'am: "Ano?! Makukuha agad?! Sige nga at gawa mo ko ng program niyan." (At napatid ang pisi ko.)
Mapagkumbaba pa din akong nagtenkyu at nagpaalam sa phone. Nag-aya magyosi sa labas kasama ng aking sama ng loob. Ang dami ko agad natutunang bago.
- Dapat ay alam mo na ang sagot sa mga bagay na hindi mo pa alam at gusto mo pa lang malaman.
- Dapat eh marunong ka magbilang. Kahit hanggang 6 lang.
- Dapat kahit hindi na-explain sa'yo ang pagcompute ng lahat ng earnings at deduction sa payslip mo ay alam mo na agad ito ora mismo.
- Dapat alam mo na ang mga pro-rated at hindi.
- Dapat kahit first time mo na-encounter kaya ka nga nagtatanong ay dapat na alam mo na ito simula't sapul pa lang.
- Dapat ay handa kang magprogram sakaling mali ang akala mo.
- Dapat ay huwag ka ng magtatanong tungkol sa kung paano ginagawa ang kikitain mo sa iyong pagtratrabaho dahil alam mo na dapat ito at baka hindi mo karapatan magtanong.
- Natutunan ko din na ang pagrespeto at pagunawa mo sa user mo ay hindi tatapatan ng respeto at pangunawa din galing sa nirerespeto mong kasama sa trabaho.
- Na kaya ko din palang magalit at isipin ang mga nangyari mula opisina hanggang makauwi ng bahay hanggang 1:27 ng madaling araw.
- Na kapag ginagalang mo at nakakabiruan mo ang isang tao, kaya ka pa rin niyang ituring na mangmang, tanga, bobo at hindi marunong magbilang hanggang 6.
Masakit isiping kahit gaano na kahirap ang ginagawa ng mga programmer sa araw-araw, may mga tao pa ding maliit ang tingin sa aming mga accomplishments. Na tingin nila ay alam namin ang lahat kahit trabaho na nang iba. Na tingin nila ay hindi kami marunong bumilang hanggang 6.
Ang mga naganap na pag-uusap ay hindi ko nagawa ni minsan sa kahit sinong nakausap ko na seryosong nagtatanong sa mga bagay na hindi niya talaga alam. Kahit katropa ko pa. Wala akong nakasamaan ng loob sa tatlong taon ko sa trabaho. Masayahin akong tao. Hindi ako agad nagagalit. Itanong niyo pa sa nakakakilala sa'kin. At marunong ako magbilang kahit lagpas hanggang 6.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home