MonthlyPeriod!

mula sa SmallRoom Publication landlord: denster

Monday, July 11, 2005

Ex-Punk Symptoms

Nais ko lang malaman mo
Ang laman ng aking puso
Baka 'di na mabigyan ng ibang pagkakataon
Na sabihin ito sa'yo
April 2001 ng magkaroon ng trabaho ang aking girlfriend. Naiwan akong nagtitiyaga sa aking part-time job para sa minimum na sahod. Sa mga ganitong panahon ko nadama na hindi ko na kayang makipagsabayan sa mundo niya at kailangang humanap na din ako ng matatag na trabaho, na naging mailap noong mga panahong iyon.
Noong July 2001, nag-celebrate kami ng aming ikatlong taon bilang magkasintahan. Mula sa aking ipon galing sa kakarampot kong sahod, bumili ako ng pares ng gintong singsing. Ibinigay ko sa kanya ang isa, tanda ng aking pagmamahal at pangako na kapag ako'y nakakuha ng trabaho at nakapag-ipon na, siya'y akin ng pakakasalan. Hindi niya matanggap ang singsing sa kadahilanang... hindi ko pa alam. Bagama't nasa kanya na ang singsing, alam kong hindi niya ito isinusuot. Pagkatapos noon, unti-unti na siyang nawala hanggang noon September 2001, ganap kaming naghiwalay.

Di ko ito ginusto
Na tayo'y magkalayo
Ngunit di magkasundo
Damdamin na hindi magtagpo

Hindi ako nawalan ng pag-asang kami'y muling magkabalikan sa kadahilanang kami pa din naman ang laging magkasama sa mga lakaran. Parang tulad pa din ng dati. Ang kaibahan lamang ay - ang masakit sa akin na - hindi na nga kami. Ayaw kong mawala siya noon kaya kahit gaano kasakit ang sitwasyon na magkasama kami pero hindi kami, tiniis ko iyon. Habang ganito ang sitwasyon ay sinuwerte akong matanggap sa isang trabaho.

December 2001 nang minsang ihatid ko siya pauwi, sinadya kong mag-iwan ng katagang "i love you" na nakakagulat na kanyang ibinalik sa akin, with a smile. Naging kami muli. Tulad na ulit ng dati. Nabigyan ako ng bagong pagkakataon at pinilit kong 'wag na itong pakawalan pa. Pero hindi naging ganoon ang mga sumunod na pangyayari. Unti-unti muli siyang nawawala sa piling ko. 'Yan ang pakiramdam ko.

Paalam na aking mahal
Kay hirap sabihin
Paalam na aking mahal
Masakit isipin
Na kahit nagmamahalan pa
Puso't isipa'y magkaiba
Marahil 'di lang laan sa isa't isa

Dito ko nag-umpisang uminom nang halos araw-araw at naging madalas din ang aking pagsubok na manigarilyo.

March 2002 Mahal na araw, natapos muli ang aming pagiging magkasintahan. Nag-fell out of love na talaga siya sa akin ng tuluyan. Marami akong pagkukulang alam ko 'yun. At alam kong iyon muli ang naging dahilan ng kanya muling pagkawala. Naging kahapon na lang bigla ang mahigit tatlong taong pagsasama.

Sana'y wag mong isipin na pag-ibig ko'y di tunay
Dahil sa'yo lang nadama ang isang pag-ibig na walang kapantay

Isang ka-batch ko sa aking opisina ay nag-aya na manigarilyo minsan isang alas kuwatro ng hapon. Dahil nasa stage ako na nagpapahilom ng sugat, sa tingin ko noon ay makakatulong ang pagsubok ng mga bagong bagay para ako'y ganap na makalimot. At ako'y pumayag. Simula noon, patago kaming pumupunta sa likod ng isang building para mag-yosi kada alas-kuwatro. Habang nagpapahilom pa din ng sugat, muli kaming napadalas uminom. Araw-araw ulit. At mas madaming yosi. Hanggang dumating sa puntong ako na ang nagyayaya kay batchmate manigarilyo, at siya na ang tumatanggi.

8:00am, 11:00am, 12:00nn, 4:00pm at kapag uwian na - 'yan na ang naging schedule ko ng pagyoyosi, kasama ang ilang kaopisina. Sa Smoking Lounge (o Lung Center), doon na kami nagkikita kahit walang usapan. Basta, pagtungtong ng smoking break, nandoon na kaming lahat, biglaan.

Ngunit masasaktan lang
Kung puso ang pagbibigyan
Kahit pamamaalam ang siyang bulong ng isipan

Kape sa loob ng opisina para hindi ka antukin at yosi sa labas para makapag-refresh ng isipan. 'Yan ang prinsipyong dinala ko noon. Kapag nasa harap ako ng computer, asahan mo na may mainit na kape akong katabi. At kung wala ako sa aking cubicle, alam mo na kung saan mo ako makikita.

March 2002 - July 2005, maraming nangyari. Nagkaroon ako ng bagong kasintahan, nagpakasal at nagkaanak. Gumanda din ang pasok ng pananalapi sa mga promotions na aking natanggap. Mas dumami pa ang mga kaibigan ko. Madaming inuman at kantahan ang nasamahan ko. Nagkaroon ako ng mas marami pang karanasan. Nag-umpisa na akong tumanda. Nalimot ko na din ang dati kong kasintahan. At alam kong nalimot na din niya ako.

Paalam na aking mahal
Kay hirap sabihin
Paalam na aking mahal
Masakit isipin
Na kahit nagmamahalan pa
Puso't isipa'y magkaiba
Marahil 'di lang laan sa isa't isa

Noong, January 2005 nga pala, nang lumabas ang aking anak, tumigil ako sa paninigarilyo ngunit hindi ito lumampas ng sampung araw. Nag-umpisa kong bumalik sa paisa-isa hanggang tuluyang bumalik sa dating gawi. Hindi ko na maalis ang bisyo ng paninigarilyo.

March 2005 - July 2005, maraming nangyari. Mas malakas na akong magyosi. Nag-umpisang maglipatan ang iba kong tropa sa bagong kumpanya. Nag-umpisa din mag-gym ang aking mga kabarkada sa opisina. Nakita ko na lamang ang sarili ko na mag-isang naninigarilyo. Nang marami. Sa likod ng opisina, nagsasarili, nag-iisip. Minsan, sa yosi break, ako na lang ang nagyoyosi habang ang mga barkada ko'y kumakain ng ice cream o umiinom ng Zesto. Isang gabi, biglaan, sinabi ko sa sarili kong susubukan ko uling itigil ang paninigarilyo. Napakarami ko na kasing nahithit sa loob ng mahigit tatlong taon na kung inipon ko ay may pangbili na ako ng bagong cellphone. Wala na naman ang dahilan kung bakit ako naninigarilyo noon. Masaya na siya sa buhay niya siguro. Naisangla ko na din ang singsing na sumisimbolo ng mga panahong ako'y natutong humithit ng yosi dahil sa kanya. Nagka-asawa't anak na din ako. Malayo na ang narating ng ikot ng mundo. Kailangang itigil na ito. July 7. Iyan ang huling araw na ako'y sumubok humithit ng sigarilyo. Kung mababasa mo ito ngayon eh, pang-apat na araw ko na sa aking misyon.

Darating sa buhay mo
Pag-ibig na laan sa'yo
At mamahalin ka niya ng higit sa maiibigay ko

Noong una, nakakalaway, nakakainis, nakaka-miss ang sigarilyo. Nakaka-miss mawala ang dating nakagawian, dating kapiling, dating kasama sa bawat paglalakbay. Pilit kong iniiwasan ang mga taong nakikita kong makakapagpaalala para hindi ako mainggit at malungkot. Dinadaan ko na lamang sa candy. Marami akong bagay na tinigil gawin kahit gusto ko ang mga iyon para lamang mapaiwas sa mumunting mga alaala.

Sana'y kasama kitang nagnanais na hindi ko na muli dalhin ang aking lighter para 'di na muling magsindi nang isa pang stick. At sana'y tuluyan na kitang malimutan. Makakatulog na din ng mahimbing ang mga kaibigan kong pilit na akong pinapatigil. Kaya samahan mo akong tumungga ng kape para sa isang paparating na selebrasyon. 361 days na lang at isang taon na kong hindi naninigarilyo. Limutin mo ako't lilimutin na din kita. Sa mahigit tatlong taon din nating pagsasama, paalam na, aking mahal.

Paalam na aking mahal
Kay hirap sabihin
Paalam na aking mahal
Masakit isipin
Na kahit nagmamahalan pa
Puso't isipa'y magkaiba
Marahil 'di lang laan sa isa't isa

0 Comments:

Post a Comment

<< Home